Tula ng Pagsusugal

xxCort

Active member
Messages
93
Reaction score
60
Points
18
dice_1.jpg


Madilim na,
Malalim na ang gabi.
Wala pang sinaing
‘Pagkat walang maisaing.
Nasaan na kaya si inay?
Nasaan si itay?
Buti pa ang mga kapitbahay,
Kumain na.
Samantala,
Ang dalawang nakababata kong kapatid
Ay kumakalam ang sikmura,
Ang tanong nila sa akin,
“Kuya, kelan uuwi si nanay?”
“Kuya, nasaan si tatay?”
“Kuya, kelan tayo kakain?”

Noon,
Isa kaming masayang pamilya,
Ang tatay ay may maayos na trabaho,
Kumikita ng sapat na panlaman sa sikmura,
Nagsusumikap upang maiahon ang pamilya.
Ang nanay ay maalaga.
Ako’y nag-aaral sa pampublikong paaralan,
Habang ang mga kapatid ay naglalaro sa lansangan.
‘Di alintana ang panganib na dala ng mga sasakyan.
Pero maituturing ko pa rin na masaya ang aming pamilya,
‘Pagkat kami’y kumpleto sa hapagkainan.

Ngunit sadyang mapaglaro ang tadhana.
Tila ang buhay ay isang kumunoy,
Kung sino pa ang kapos,
At patuloy na hindi sumusuko sa pagkilos
S’ya ang pilit na hinahatak,
Hinihila,
Nilalamon,
Inilulublob sa putikan.
Nagsara ang kumpanya na pinapasukan ni itay,
Kaya naghanap ng trabaho ang aking nanay.
Namusakan sya bilang kasambahay
Sa ibang bansa.
“Pero ‘nay,
Kailangan ka namin ‘nay,
Sa loob ng ating bahay.”

At dito natapos ang masasayang araw,
Dito nagsimula ang malulungkot,
Gutom,
At mapanganib na mga gabi.
Hindi na umuwi si nanay.
Itay, iniwan na tayo ni nanay.

Gabi-gabi lasing si tatay,
Gabi-gabi nasa sugalan si tatay.
At natigil ako sa pag-aaral,
Pero napag-aralan ko ang masamang bisyo.
“Kuya, gutom na ko.” ani ng kapatid ko,
At ako’y nagising sa aking pagkatulala.

Nagtungo ako sa isang eskenita,
Hawak ang isang makalawang na lanseta.
Nagmamanman ang aking mga mata,
Pumipili ng mabibiktima.
Siksikmurain ko ang gagawin ko sa gabing ito
Dahil mga kapatid ko’y sinisikmura na.
May nakita akong ate,
Ang bitbit nyang purtamuneda ay tila gawa sa balat ng hayop.
Mamahalin ang tatak nito.
Iniisip ko kung gagamitin ko ang lansetang hawak hawak ko.
Hablot!
Karipas ng takbo!
Ngunit pagliko ko sa kanto,
May naramdaman ako sa sikmura ko,
Hindi gutom,
Kundi mabigat na kamao ni sarhento.
Lupaypay ako sa malamig na semento,
Kinuyog ako ng mga tao.
Pasa, sugat, pilay, sakit sa katawan ang inabot ko,
Pero wala pa rin akong naiuwing pagkain para sa mga kapatid ko.

Umuwi ako sa amin.
Puno ng pasa,
Duguan,
Punit ang damit,
Ngunit walang bitbit
Kundi ang sarili.
Nadatnan ko si tatay sa bahay,
Lasing,
Talo sa sugal,
Talo sa buhay.
Tadyak dito,
Sipa doon,
Mga malulutong na mura,
Yan ang pakain sakin ni itay.

Inay, bakit mo kami iniwan?
Pero sana masaya ka
Sa piling ng bago mong pamilya.
Sana ikaw ay sagana,
Sana ‘di ka nagugutom,
‘Di tulad ng mga anak mong namamatay na sa gutom,
Kumakapit sa patalim,
Upang makakain.
Inay, kailangan ka namin dito sa bahay.
Inay, Kailangan ka namin sa aming buhay.

Madilim na,
Lumalalim na ang gabi.
Wala pa si itay.
Wala nanaman si itay!
Wala pa rin ang nanay!
“Kuya, gutom na ko.” ang sabi ni bunso.
At ako’y tulala,
Naglalakbay sa alapaap.
Nagsusugal nanaman ang tatay.
Sige itay, isugal mo lahat ng salapi ngayong gabi.
Magsusugal din ako,
Itataya ko ang puso ko,
Kaluluwa ko,
At buhay ko.
 
Top